Naghain ng Joint Motion for Reconsideration sa Korte Suprema ang mga kinatawan ng Makabayan party-list at mga lider-masa upang hilinging baligtarin ang desisyon nito noong Hulyo 2025 na ideklarang labag sa Konstitusyon ang impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte.
Kabilang sa naghain ng mosyon sina ACT Teachers Rep. Antonio Tinio, Kabataan Rep. Renee Co, Makabayan President Liza Maza, Bagong Alyansang Makabayan Chairperson Teodoro Casiño, Bayan President Renato Reyes, Piston President Modesto Floranda, at Sandugo convenor Amirah Lidasan, na sa naghain ng ikalawang impeachment complaint laban sa Bise Presidente.
Sumama rin bilang intervenors sina dating ACT Teachers Rep. France Castro, Gabriela Rep. Arlene Brosas, at Kabataan Rep. Raoul Danniel Manuel, na nag-endorso sa naturang reklamo. Kinakatawan sila ng National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL).
Iginiit ng NUPL na nilayon ng 1987 Konstitusyon na maging madaling maabot ang impeachment bilang kasangkapan ng pananagutan at hindi hadlangan ng dagdag na rekisito.
Giit nila, malinaw na kapag pirmado ng isa’t-katlo ng mga miyembro ng Kamara ang reklamo, ito ay awtomatikong nagiging Articles of Impeachment na dapat dalhin agad sa Senado.
Ayon sa grupo, walang naganap na grave abuse of discretion sa Kamara, hindi nalabag ang one-year ban, at kapwa may bigat ang dalawang paraan ng pagsisimula ng impeachment.
Dagdag pa nila, hindi sakop ng due process ang inisyal na yugto ng impeachment sa ilalim ng Art. XI, Sec. 3(4) ng Konstitusyon.
Hinihiling ng grupo na ibasura ng Korte Suprema ang mga nakonsolidang petisyon at kilalanin ang bisa ng pagpapasa ng Articles of Impeachment sa Senado upang agad maisagawa ang paglilitis.