Sa pangunguna ng isang Atty. Estelita Cordero ng grupong Warriors Ti Narvacan, Inc. inireklamo ng mga kasong pandarambong at katiwalian sa Office of the Ombudsman ang dating alkalde ng Narvacan, Ilocos Sur na si Luis “Chavit” Singson.

Sa tatlong pahinang plunder case, inaakusahan si Singson, dati nitong vice mayor na si Pablito Sanidad, Sr. at 11 iba pang dating opisyales ng Narvacan na umano’y sangkot sa pagbili ng halos 10 ektaryang overpriced na lupa na pagmamay-ari ng Western Textile Mills, Inc.

Ayon kay Atty. Cordero, kumita umano si Singson at kasabwat ng halos P100 milyon dahil binili ito sa halagang ₱149,961,000 na malayong-malayo sa tunay na halaga nito na ₱49,987,000 lamang.

Sabi ni Cordero, ang naturang transaksyon na nangyari noong mayor pa si Singson noong 2019 ay nagdulot ng P100 milyong pagkalugi sa pondo ng nabanggit na bayan.

Sinagot din ni Atty. Cordero kung bakit ngayon lamang siya nag-file ng kaso.

“”Magtatangka ka bang mag-file noong panahon ni [dating Pang.] Duterte na kaibigan niya?” sabi ni Cordero.

Kasama sa mga respondent reklamo sina dating Vice Mayor Pablito Sanidad, Sr., mga miyembro ng Sangguniang Bayan ng Narvacan, Municipal Assessor Arlene Debina at Raymond Ang ng Western Textile Mills, Inc.

Sabi ni Cordero, ang mga ito ay nagtulungan upang maisagawa ang diumano’y pagnanakaw sa kabang yaman ng kanilang bayan.

Dahil dito, hinihiling ng Warriors Ti Narvacan, Inc. sa Ombudsman na makulong si Singson at iba pa kabilang na ang pagpapataw ng preventive suspension sa nakaupo na ngayong alkalde ng Narvacan na si Mayor Edna Sanidad na noon ay konsehal pa lamang.

Hinihingi rin ng mga complainant na ibalik ni Singson at mga kasabwat ang ₱99,974,000 na umano’y kinita nito sa pagbili ng overpriced na lupa.

Sa hiwalay na reklamong katiwalian, nais din nilang managot si Singson dahil sa kasong may kinalaman sa pagnanakaw umano ng pondo mula sa Tobacco Excise Tax.

Show CommentsClose Comments

Leave a comment