Perwisyo ang reklamo ng Barangay Pinagbuhatan, Pasig City sa matagal na restoration ng internet connection, kasunod ng aksidente ng truck, hapon pa ng Martes, May 5.

Dahil sa nasabing aksidente, natumba ang isang poste ng Meralco sa lugar.

Kahit naibalik na ng power distributor ang kuryente para sa nasa 2,800 nitong customer, inamin ng sub-contractor ng PLDT na aabutin pa ng lima hanggang pitong araw bago tuluyang maikabit ang linya ng internet.

Naabutan ng DZRH reporter na si Edniel Parrosa ang team ng project supervisor na si Marinette Cruz habang nagkakabit ng mga kable sa main line ng PLDT sa Sandoval Avenue.

Ayon kay Cruz, kaya umano nilang tapusin ito hanggang bukas, May 8, pero matatagalan pa ang full restoration ng internet hanggang sa looban ng mga barangay.

“Malaki po kasi ‘yung naputol. Isang buong poste kasi yung nabagsak. Ang dami pong nakakabit doon sa poste ng Meralco, kaya malaki talaga,” sabi ni Cruz.

Dagdag pa niya, “Since isa lang ‘yung poste dito sa loo, bukod sa main line, ‘yung mga secondary line affected doon.”

Nangyari ang aksidente kamakalawa, nang mahatak ng isang truck ang nakalaylay na kable ng Meralco hanggang sa mabuwal ang poste nito.

Sabi ng mga residenteng nakausap ng DZRH, naibalik din naman ang kuryente nila kinabukasan.

Pero ayon sa pamahalaang lungsod ng Pasig at emergency unit ng Barangay Pinagbuhatan, alas-kwatro ng umaga ng Huwebes, May 7 lang nakumpleto ang full restoration ng kuryente sa buong barangay. — Report from Edniel Parrosa

Show CommentsClose Comments

Leave a comment