Hindi lang BrahMos supersonic missiles ang target ng Pilipinas na mapakinabangan mula sa industriyang pandepensa ng India.
Ayon kay Secretary Gilbert Teodoro, inaaral din ng bansa ang i-develop ang submarine infrastructure sa tulong ng nabanggit na strategic partner.
Sa panayam ng Indian media, sinabi ni Teodoro na nakikita niya ang pangangailangan ng submarine sakaling maging “expeditionary naval force” ang Hukbong Dagat.
Pero liban dito, kailangan umano ng Pilipinas na maprotektahan ang mga marino at sasakyang pandagat nito hindi lamang sa sariling teritoryo.
“We will need to protect our vessels and our seafarers, not only within our own theatre, meaning to say the near Pacific and the South China Sea, but also in the Indian Ocean and beyond,” ani Teodoro.
Inihalimbawa ng kalihim ang Indian Ocean na daanan ng mga barkong ang karaniwang tripulante ay mga Pilipino.
“Filipinos man a lot of ocean-going vessels, which is important for international commerce,” dagdag ng Philippine defense chief. “We need sea lanes of communication to be free and safe and our ocean-going vessels.”
Paliwanag pa ng opisyal, makikinabang dito ang bansang maitururing na net importer ng halos lahat ng produkto.
Una nang inanunsyo ng Indian foreign ministry ang pakikipag-usap nito sa Pilipinas para sa submarine infrastructure.
Bago ito, ibinalita ni Pangulong Bongbong Marcos ang balak na pagkuha ng dagdag pang BrahMos missiles mula India para mapalakas ang Armed Forces of the Philippines.
Dumating ang unang battery ng armas nitong nakararaang taon, pero may inaasahan pang dalawang set ng delivery sa bisa ng P18.9 billion deal noong 2022.