Maaaring ireklamo sa Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga kumpanyang nananakot o sapilitang pinipilit ang mga empleyado sumayaw sa Christmas Party, lalo na kung may bantang parusa sa pagtanggi.

Ayon sa DOLE, dapat tiyakin ng mga kumpanya na inclusive ang kanilang Christmas activities at iginagalang ang kultura, relihiyon, at personal na kagustuhan ng mga empleyado.

Lumabas ang paalalang ito matapos umani ng atensiyon sa social media ang mga usaping may mga empleyadong sapilitang pinasasayaw sa Christmas party.

Nilinaw ng National Labor Relations Commission (NLRC) na maaaring magsampa ng reklamo ang mga manggagawa kung may pamimilit o bantang parusa sa pagtanggi.

Ayon sa Labor Code, maaari lamang parusahan ang empleyado batay sa just causes tulad ng serious misconduct, gross negligence, loss of trust, krimen laban sa employer o pamilya nito, at mga kahalintulad na paglabag na may kinalaman sa trabaho.

Sinabi ng NLRC na maaaring humingi ng danyos ang empleyado kung sila ay pinilit at pinagbantaan ng disciplinary action kapag tumanggi.

Maaari ring magsampa ng reklamo kung nagresulta ang pamimilit sa panggigipit o masamang work environment na maaaring umabot sa constructive dismissal.

Idinagdag pa ng ahensya na maaaring masaklaw din ito ng Safe Spaces Law kung ang kilos ay nagdudulot ng gender-based o diskriminatoryong paglabag.

Show CommentsClose Comments

Leave a comment