Nakatutok kay Senator Camille Villar ang camera ng RTVM nang banatan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga palpak na water services sa bansa.
“Marami kaming natatanggap na reklamo na hindi man lang daw umaabot ang tubig sa kanilang mga gripo,” ani Marcos sa kanyang ika-apat na State of the Nation Address (SONA).
Inilahad din ng Pangulo ang mga hakbang ng Local Water Utilities Administration (LWUA) upang resolbahin ang problema ng mahigit anim na milyong Pilipinong apektado ng hindi maayos na serbisyo.
Bagaman hindi pinangalanan ni Marcos ang alinmang kumpanya o personalidad, umalingawngaw sa social media ang pansing pagtutok ng kamera kay Villar.
Kamakailan ay naiuugnay si Senator Villar sa kontrobersyal na PrimeWater Infrastructure Corp. na pagmamay-ari ng kanyang pamilya.
Nahaharap ang PrimeWater sa mga reklamo ng mahina at hindi tuloy-tuloy na supply ng tubig sa iba’t ibang lalawigan.
Noong Mayo, sinabi ni Villar na bukas siyang humarap sa anumang imbestigasyon hinggil sa PrimeWater kung nais ito ng publiko.
“Kung ‘yan ang gusto ng mayorya ng tao, ay wine-welcome po natin ‘yan,” pahayag niya matapos siyang ideklarang panalo sa pagka-senador sa 2025 senatorial elections.
Tiniyak naman ni Pangulong Marcos na papanagutin ang mga nagpabaya sa naturang isyu.
Giit niya, “Titiyakin natin na mapapanagot ang mga nagpabaya at nagkulang sa mahalagang serbisyong publiko na ito.”
“Titiyakin na ng LWUA na mailalagay na sa ayos ang serbisyo ng tubig ng milyon-milyong nating mga kababayan, at gawing mas abot kaya ang presyo,” aniya.