Dismayado si Meralco spokesperson Joe Zaldarriaga sa ilang mga residente sa Aroma, Tondo, Maynila na ninakaw ang kanilang mga kable ng kuryente sa gitna ng sunog noong Miyerkules, August 6.

Sa isang Facebook post, sinabi ni Zaldarriaga, “Pambihira naman kayo mga kabayan. Paano namin mapapabilis ang restoration kung nanakawin niyo ang linya namin.”

Kasabay nito, pinasalamatan din ni Zaldarriaga si Mayor Isko Moreno dahil agad nitong inaksyunan ang nakawan ng kable sa gitna ng pa-apula ng sunog.

Dalawa na ang nahuli, pero may kasunod pa

Sa kanyang Talk to the People kahapon, iprinisita ni Yorme ang dalawang lalaki na nahuli sa akto na namumutol at nagnanakaw ng kable sa Aroma.

Nakalawit agad ng Manila Police District Station 1 ang dalawa at mahaharap sa kasong paglabag sa RA 7834 o Anti-Electricity and Electric Transmission Lines/Materials Pilferage Act of 1994.

Binanggit din ni Yorme na nakarating na sa kanyang opisina ang isa pang viral video na tila pinagpi-piyestahan ng mga residente.

Sa isang Facebook post, sinabi ni Yorme, “Yung grupo ng tolongges na nasa viral video ngayon — ‘yung nag-aagawan sa tanso ng nasunog na kable ng kuryente. Magsitago na kayo! In a matter of time, makakalawit din namin kayo, at pananagutin ko kayo sa batas!”

Paalala ng Meralco

Paalala ni Zaldarriaga sa publiko, sana naman ay isipin ng mga nagnakaw ng kable ang kanilang mga kapitbahay.

“Isipin niyo naman mga kapitbahay niyo at huwag lang ang inyong sarili. Naalala ko tuloy ang sinabi ni Heneral Antonio Luna na ang kalaban natin ay ang ating sarili,” sabi ng tagapagsalita ng Meralco.

Show CommentsClose Comments

Leave a comment