“Mahiya naman kayo.”
Binanatan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga opisyal at kontratistang sangkot sa mga palpak at diumano’y “ghost” flood control projects, kasunod ng matinding pinsala ng mga habagat at bagyong Crising, Dante, at Emong.
“Kitang-kita po na maraming proyekto para sa flood control ay palpak at gumuho. At ‘yung iba, guni-guni lang,” ani Marcos sa kanyang ika-apat na State of the Nation Address (SONA).
“Huwag na po tayong magkunwari. Alam naman ng buong madla na nagkakaraket sa mga proyekto,” saad ng Pangulo.
Hindi itinago ng Pangulo ang kanyang galit sa mga sabwatan sa loob ng pamahalaan.
“Mahiya naman kayo sa inyong kapwa Pilipino,” aniya. “Mahiya naman kayo lalo sa mga anak natin na magmamana sa mga utang na ginawa ninyo nang binulsa ninyo ang pera.”
Umani ng standing ovation ang pahayag ng Pangulo sa Batasang Pambansa, sa gitna ng lumalakas na panawagan na busisiin ang bilyun-bilyong pisong inilaan sa flood control projects.
Bilang tugon, iniutos ni Marcos sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na magsumite ng listahan ng lahat ng flood control projects mula sa nakalipas na tatlong taon.
Isasailalim ito sa pagsusuri ng mga regional project monitoring team upang tukuyin ang mga bigong proyekto, mga hindi natapos, at mga pinaghihinalaang “ghost projects.”
Isasapubliko naman ni Pangulong Marcos ang naturang listahan upang makilahok ang taumbayan sa imbestigasyon.
“Ang publiko, na saksi sa mga proyektong ito, ay malayang suriin ang listahan at magbahagi ng kanilang nalalaman,” ani Marcos.
Bukod dito, isasailalim sa audit at performance review ang mga proyekto upang matukoy kung saan napunta ang pera ng bayan.
Tiniyak din ng Pangulo na makakasuhan ang lahat ng mapapatunayang responsable.
“Sa mga susunod na buwan, makakasuhan ang lahat ng mga lalabas na may sala, pati na ang mga kasabwat na kontratista sa buong bansa,” aniya.