QUEZON CITY — Tahasang itinuro ng Brgy. Damar ang itinatayong pumping station sa Brgy. Sto. Domingo na siyang dahilan ng pagbaha sa kanilang lugar sa kasagsagan ng bagyo at habagat.
Sa aking ekslusibong report, bukod sa Brgy. Damar, binaha rin ang Brgy. Talayan, Brgy. Tatalon at Brgy. Sto. Domingo noong kasagsagan ng ulan.
Napag-alaman na ang pumping station ay proyekto ng Department of Public Works and Highways-NCR (DPWH-NCR) sa Matalahib Creek na layong mapabilis ang paglabas ng tubig-baha na naiipon dito patungo ng San Juan River.
Batay sa Facebook post ng Brgy. Damar, lumiit ng 30% ang bahagi ng creek na sinakop ng pumping station kaya naiimbudo ang tubig-ulan na ang apektado ay ang kanilang lugar.
Ayon kay Edwin Zulueta, matagal nang residente sa lugar, baha na agad sa kanilang lugar kahit kaunting ulan dahil malaking bahagi ng creek ang sinakop ng pumping station.
“Noong wala pa yan [pumping station], kahit anong lakas ng ulan, dire-diretso ang tubig. Ngayon, konting ulan lang dito sa lugar namin, wala na. Bahang-baha na,” sabi ni Mang Edwin.

Detalye ng proyekto
Sa nakapaskil na project signboard ng pumping station, halos tatlong buwan nang delayed ang construction ng proyektong ito na sinimulan pa noong June 29, 2024.
Dapat tapos na ang nasabing proyekto noon pang May 29, 2025.
Aabot sa P95,998,547.00 ang halaga ng pondong inilaan mula sa General Appropriations Act ng DPWH-NCR para sa fiscal year 2024.
Makikita rin na ang contractor nito ay ang St. Timothy Construction Corp. at Pilastrobldrs & Development Inc.
Ang contractor
Batay sa malawak na research ng election watchdog na Right to Know, Right Now! (R2KRN) Coalition noong June 2024, ang St. Timothy Corp. ay pag-aari ng mag-asawang Pacifico ‘Curlee’ Felizario Discaya II at Cezara Rowena ‘Sarah’ Cruz Discaya.
Bukod sa St. Timothy, pag-aari rin nila ang St. Gerrard Construction Gen. Contractor & Development Corp., St. Gerrard
Construction Gen. Contractor and Development Corporation; St. Matthew Gen. Contractor and
Development Corporation; at ang Alpha & Omega Gen. Contractor and Development Corporation.
Ang Alpha & Omega at ang St. Timothy ay kabilang sa limang contractor na may flood control project sa halos lahat ng rehiyon sa bansa, batay sa inisyal na imbestigasyon ng pamahalaan na iprisinta ni Pang. Bongbong Marcos kahapon, August 11.

Matatandaan na sa kanyang ikaapat na State of the Nation Address, pinagsabihan niya ang mga mambabatas at kapwa opisyal sa gobyerno na, “Mahiya naman kayo!” sa gitna ng mga kontrobersya sa mga flood control project.
Inatasan noon ng pangulo ang DPWH na isumite sa kanya ang lahat ng flood control project simula ng kanyang termino hanggang nitong Mayo 2025.
Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng gobyerno sa halos 10,000 flood control projects sa bansa.
Hinimok din ni Pang. Bongbong Marcos ang publiko na ipagbigay-alam at i-report din sa kanya ang mga makikita nilang problema sa flood control projects sa inilunsad niyang ‘sumbongsapangulo.ph’.