
Umabot na sa 64 at posibleng dumami pa, ang bilang ng mga napapaulat na nasawi matapos ang magnitude 6.9 na lindol sa Cebu kagabi.
Sa report ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office ng Cebu, pinakarami sa reported casualty ay sa Bogo City, ilang kilometro lang sa episentro ng pagyanig.
Bogo – 30
San Remigio – 22
Medellin – 10
Tabuelan – 1
Sogod – 1
Ayon kay Office of Civil Defense Asec. Raffy Alejandro, sentro ngayon ng rescue operations ang hilagang bahagi ng lalawigan gaya ng Bogo, San Remigio at Tabuelan dahil sa lawak ng pinsala.
Pero buong probinsya na ng Cebu ang nagdeklara ng state of calamity epekto ng sakuna.
Sa pulong balitaan sa Camp Aguinaldo, sinabi ni Alejandro na pahirapan ngayon ang komunikasyon at pagbyahe patungo sa pinaka-napinsala ng lindol.
Kaya kahit pinagana na ang inter-agency coordinating cell, inalerto na rin umano ng OCD ang mga kapitbahay na bansa gaya ng Singapore, Malaysia at Indonesia para tumulong sa operasyon.
Tiniyak naman ng OCD ang sapat na food packs, habang nagpadala na rin ng water filtration system ang ahensya sa probinsya.
Prayoridad ding sinusuri ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno ang structural integrity ng mga pagamutan at paaralan, lalo’t nabubulunan umano ang Bogo City Hospital.
Sumaklolo na rin ang Armed Forces of the Philippines katuwang ang mga LGU, habang bumuo na ng Task Group ang Police Regional Office 7.
Bagama’t walang partikular na numero ng mga missing o nawawala, target ng rescuers na makapagligtas ng pinakamaraming buhay sa loob ng ‘golden hours’ o 24 oras pagtapos ng trahedya. — Ulat mula kay Edniel Parrosa