Sinagot ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang matagal nang tanong ng publiko hinggil sa kanyang kampanya noong 2022 na magdala ng ₱20 kada kilong bigas sa merkado, at iginiit na ito ay nasimulan na sa ilang bahagi ng bansa.
“Sa mga nagtatanong kung nasaan na ang bente pesos na bigas, ito ang aking tugon: Napatunayan na natin na kaya na natin ang bente pesos na bawat kilo ng bigas nang hindi nalulugi ang ating mga magsasaka,” ani Marcos sa kanyang ika-apat na State of the Nation Address (SONA) nitong Lunes, Hulyo 28.
Ayon sa Pangulo, matagumpay nang naipatupad ang programang ito sa ilang lugar sa Luzon, Visayas, at Mindanao, sa ilalim ng mga Kadiwa store at center. Plano na ngayon ng gobyerno na palawakin pa ito sa buong bansa.
Kasabay nito, inihayag ni Marcos na maglalaan ang pamahalaan ng ₱113 bilyon para sa pagpapalakas ng mga programa ng Department of Agriculture (DA) upang suportahan ang mga magsasaka at tiyaking abot-kaya ang presyo ng bigas.
Binigyang-diin din ng Pangulo na hindi niya palalagpasin ang sinumang negosyante o trader na sasamantala sa sitwasyon ng presyo ng bigas o manlalamang sa mga magsasaka.
“Hahabulin namin kayo, dahil ang trato namin sa inyong ginagawa ay tinuturi naming economic sabotage,” babala niya.