Hindi ito madaling mahahakot.

Iminungkahi ni dating Finance Secretary Cesar Purisima na dapat i-phase out ang P500 at P1,000 bills upang mahirapan ang mga korap na opisyal na maglipat-lipat ng pera.

Ayon kay Purisima, kung mas maliit ang denominations, at P200 na ang pinakamalaking pera, hindi madaling isakay ang limpak-limpak na pera sa sasakyan.

Ginawa ni Purisima ang pahayag matapos sabihin ni dating DPWH Asst. District Engineer Brice Hernandez na higit 20 maleta na naglalaman ng pera ang idineliver kay Ako Bicol Rep. Zaldy Co.

Hinahanap ngayon si Co dahil sa mga alegasyong graft patungkol sa mga anomalya sa flood control projects.

“Now imagine if the largest bill in circulation were only P200. That same P1 billion would have needed 100 suitcases, a convoy of vehicles, and a warehouse just to store the cash. This sheer impracticality would make this kind of corruption much harder to hide,” sabi ni Purisima sa isang Facebook post.

Gayunpaman, sinabi ni Purisima na kahit magiging maliit ang halaga ng perang nasa sirkulasyon ay wala ring katiyakan sa korupsyon dahil hahanap daw ng paraan ang mga korap.

Pero inihalimbawa ng dating Finance Secretary ang India kung saan nag-demonetize ito ng 500 at 1,000 bills nila upang matuldukan ang umiikot na pekeng pera sa kanilang bansa.

Maging ang Nigeria nga raw ay nag-demonetize ng malalaking pera at inihinto ang printing ng $10,000 note upang maiwasan ang anti-money laundering.

Sa mga halimbawang ito, sinabi ni Purisima na maging sa bansa ay ginagawa ang demonetization upang mapalakas ang transparency sa mga gobyerno.

“Demonetizing the P1,000 and P500 bills is about making corruption harder and transparency stronger,” sabi ni Purisima.

Show CommentsClose Comments

Leave a comment