Kritikal ang kondisyon ng isang padre de pamilya matapos masabugan ng kanilang superkalan habang nagluluto ng agahan sa Pandacan, Maynila, nitong Huwebes ng umaga.

Kinilala ang biktima na si Aniseto Benito Jr., residente ng 1781 Int. 14 Narra Street, Kahilum I, Barangay 871, Pandacan. Ayon sa ulat, naganap ang pagsabog sa loob mismo ng kanilang bahay at nagresulta sa 97% na lapnos sa katawan ng biktima.

Sa kabila ng tinamong matinding paso, nagawa pa ni Benito na iligtas ang dalawa niyang anak na natutulog pa noon. Isa sa mga bata ang nagtamo ng bahagyang paso sa braso.

Agad na tumugon ang Manila Department of Social Welfare (MDSW) sa pamumuno ni Director Jay R. Dela Fuente at inatasan ang District Welfare Office VI na magsagawa ng validation at rapid assessment.

Nagbigay ang MDSW ng agarang tulong sa pamilya, kabilang ang medical assistance, pangangalaga sa mga batang nasugatan, at relief assistance packages gaya ng DSWD food box, kitchen kit, hygiene kit, at sleeping kit.

Personal ding binisita ni Dela Fuente ang pamilya at tiniyak na patuloy silang susuportahan ng lokal na pamahalaan. Ayon sa kanya, nabagsakan ng nasusunog na tolda ang biktima kaya’t nalapnos ang halos buong katawan nito.

Kasalukuyang ginagamot si Benito sa Philippine General Hospital. Nangako si Dela Fuente na tutulong sa lahat ng natitirang pangangailangang medikal ng biktima, kabilang ang referrals, koordinasyon sa mga ahensya, at anumang karagdagang tulong para sa kanyang full recovery at kapakanan ng mga anak.

Show CommentsClose Comments

Leave a comment