Kailan ba magiging totoo ang ‘on the way na ako’? Kaya mo ba maging on time?
Hinimok ng Department of Science and Technology (DOST) ang mga Pilipino na mas maging disiplinado at igalang ang oras ngayong National Time Consciousness Week.
Isinusulong ng DOST ang nasabing pagdiriwang na may temang “Oras Pinas: Filipino, On Time Ka!” katuwang ang Science and Technology Information Institute (STII) at ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Layon ng nasabing programa na itugma ang oras ng mga Pilipino sa Philippine Standard Time (PhST) alinsunod sa Precise Time-Scale System ng PAGASA.
Sa isang pahayag, sinabi ng DOST na layon ng kampanyang ito na matuldukan ang negatibong konsepto ng “Filipino time” at gawin itong maging “standard of discipline and respect for others’ time.”
PAANO NAGSIMULA ANG ‘FILIPINO TIME’?
Ipinaliwanag ng historian na si Prof. Xiao Chua na ang nagsimula ang konsepto ng Filipino time noong panahon ng mga Espanyol.
Nag-ugat ang ‘Filipino time’ dahil sa late na pagdating ng mga matataas na opisyal upang maipakita ang kanilang status sa isang lipunan.
Batay sa DOST Philippines, sinabi ni Chua, “Bago pa man dumating ang kolonisasyon, wala pang konsepto ng eksaktong oras ang ating mga ninuno.”
Tumutukoy kasi ang “oras” sa panahon o position ng araw at batay ito sa siklo ng kalikasan tulad ng pag-aani at buwan, sabi ni Chua.
Paliwanag pa ni Chua, kalauna’y tinawag ito na ‘Filipino time’ ng mga Amerikano kaya’t natatawag ang mga Pilipino na mga “tamad”.
Mas relaxed daw ang tingin ng mga tao sa oras kumpara sa mga industrialista na “time is money”.
Naniniwala naman si Chua na mababago naman ang kultura sa paraan ng tamang impormasyon at “hindi lang ito pagbabago ng ugali, kundi pagbabago rin ng sistema.”
PAGIGING LATE, MAY EPEKTO RIN SA EKONOMIYA
Alam mo ba na kapag nale-late ka ay may epekto rin ito sa ekonomiya?
Ipinaliwanag ng DOST na nakakaapekto rin sa economic productivity ng bansa ang pagiging late.
Binanggit ng DOST ang report ng Japan International Cooperation Agency na nawawalan ng P3.5 billion ang Pilipinas bawat araw dahil sa matinding traffic at mga delay sa transportasyon sa Metro Manila.
Pinayuhan din ni Chua ang mga Pilipino na gawin ang time management dahil nakakaapekto rin ito sa kanilang productivity sa maghapon. — Photo via Instagram @jefre_artist