Pinababa ang mga pasahero ng MRT-3 sa Ortigas Station pasado 12:11 p.m. ngayong Huwebes matapos magkaroon ng aberya ang sinasakyan nilang tren.
Naganap ang aberya sa kabila ng holiday, August 21 o Ninoy Aquino Day, kung kailan mas kaunti ang pasahero.
Dumating ang tren bandang 12:08 p.m., ngunit makalipas lamang ang ilang minuto ay inatasan na ang lahat ng pasahero na bumaba.
Pasado 12:16 p.m. na nakaalis ang nagkaaberyang tren at agad namang dumating ang kapalit na tren nang 12:18 p.m.
Bagama’t naisakay agad ang mga pinababang pasahero, kapansin-pansin ang napapadalas na aberya sa mga linya ng tren sa Metro Manila.
Nitong Agosto 15, bumagal din ang takbo ng MRT-3 dahil sa signaling issue sa Santolan Station bago muling maibalik sa normal na bilis.
Noong Agosto 5, naantala rin ang biyahe ng LRT-2 matapos tamaan ng kidlat ang catenary wire sa Antipolo Station.
At nitong Agosto 15, inutusan ng Department of Transportation (DOTr) ang private operator ng LRT-1 na magbigay ng danyos sa mga pasaherong nasaktan sa nangyaring escalator malfunction sa FPJ Station.