Nagbanggaan ang dalawang barko ng China habang hina-harass ang mga Pilipino malapit sa Bajo de Masinloc ngayong Lunes, Agosto 11.
Ayon kay Commodore Jay Tarriela, Philippine Coast Guard spokesperson for the West Philippine Sea, naganap ang insidente habang isinasagawa ng BRP Teresa Magbanua, BRP Suluan, at MV Pamamalakaya ang “Kadiwa Para sa Bagong Bayaning Mangingisda (KBBM)”, na layong maghatid ng supply sa 35 fishing vessels.
Tinarget ng mga water cannon ng China ang MRRV 4406 (Suluan), ngunit nakaiwas ito dahil sa maingat na pagmamaniobra ng tripulante.
Pero habang patuloy na hinahabol ang BRP Suluan, dito na sumalpok ang China Coast Guard (CCG) vessel 3104 sa People’s Liberation Army (PLA) Navy ship 164, may 10.5 nautical miles sa silangan ng Panatag Shoal.
Nagtamo ng malaking pinsala sa unahang bahagi ang CCG ship at hindi na ito nakapaglayag matapos ang insidente.
Kaagad namang nag-alok ng tulong ang PCG, kabilang ang pagsagip sa posibleng nahulog na tripulante at pagbibigay ng medical attention sa mga nasugatan.
Samantala, ligtas namang naihatid ng MRRV 9701 ang mga mangingisda sa kabila ng insidente.